Kinuwestiyon ng kampo ni Jay Sonza ang naging pag-aresto sa kaniya matapos maglabas ng warrant ang korte kaugnay ng kasong unlawful publication.

Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Mark Tolentino, inaasahan nila ang posibleng warrant para sa kasong cyber libel, ngunit hindi para sa unlawful publication na aniya ay isang “very minimal offense” lamang.

Giit pa ng abogado, mali umano ang nakasaad sa warrant na “non-bailable,” dahil ayon sa kaniya, ang ganitong kaso ay hindi dapat ituring na non-bailable offense.

Plano umano ng kampo na maghain ng manifestation sa korte upang ipaliwanag ang umano’y pagkakamali at hilingin ang agarang pagpapalaya kay Sonza.