Kalaboso ang isang babae na umano’y abortionist matapos maaresto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa ikinasang entrapment operation kaugnay ng ilegal na pagbebenta ng abortion pills online sa lungsod ng Makati at Maynila.
Ayon sa ulat ng NBI, nadakip ang suspek matapos makipagtransaksyon sa isang ahenteng nagpanggap na buyer. N
abatid sa imbestigasyon na ang suspek ay walang lisensya o otorisasyon upang magbenta ng anumang uri ng gamot.
Isinagawa ng NBI Dangerous Drugs Division ang operasyon matapos matuklasan ang online selling activities ng suspek.
Nakumpiska sa kanya ang apat na klase ng abortion pills na tinaguriang “do-it-yourself” abortion kit, kumpleto pa umano sa mga tagubilin sa paggamit.
Ayon kay NBI-DDD Chief Jonathan Galicia, delikado ang paggamit ng mga ganitong uri ng gamot lalo na kung walang medikal na gabay.
Binigyang-diin din niya na may inilabas nang babala ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa paggamit ng naturang mga gamot.
Nahaharap ngayon ang suspek sa mga kasong paglabag sa FDA Law, Cybercrime Prevention Act, at Pharmacy Law.
Patuloy ang paalala ng NBI sa publiko na umiwas sa pagbili ng gamot mula sa mga hindi otorisadong online sellers at laging sumangguni sa mga lisensyadong doktor para sa ligtas na gamutan.