Nagpatupad ag Cordillera Police Office ng pagbabago sa liderato sa lalawigan ng Abra, kung saan itinalaga ang isang beteranong police officer para bantayan ang seguridad sa probinsiya, na may naitala nang 17 na kaso ng gun violence habang papalapit ang halalan.

Batay sa kahilingan ni acting Abra Gov. Russell Bragas, pinalitan si Police Col. Gilbert Fati-ig kahapon bilang Abra police director ni Police Col. Froiland Lopez, na nangasiwa sa barangay elections sa probinsiya noong October 2023.

Sinabi ni Cordillera police director Brig. Gen. David Peredo Jr. sa ikaapat na sesyon ng Cordillera Regional Joint Security Control Center (RJSCC), ito ang unang hakbang para masawata ang mga karahasan sa Abra.

Ang RJSCC na binubuo ng mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec) at security agencies tulad ng police at Army, ay regular na nagsasagawa ng assessment sa peace and order conditions sa panahon ng halalan.

Nakapagtala ang Abra ng pinakamataas na bilang ng shooting incidents sa Cordillera, na umaabot na sa 23 mula January 12 hanggang March 31.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, dalawa lamang sa mga nasabing pamamaril ang itinuring na election-related incidents, kung saan ang anim ay isinasailalim pa sa revalidation matapos na sabihin na wala itong kaugnayan sa pulitika.

Batay sa report ng Abra police noong March 31, 13 katao ang namatay dahil sa pamamaril sa mga bayan ng Bangued, La Paz, Langiden, Pilar, Tayum, at San Juan, habang walo ang nasugatan.