
Kinumpirma ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na tinanggal na si Ronald “Bato” Dela Rosa sa “halos lahat” ng kanyang committee memberships kasunod ng matagal niyang hindi pagdalo sa mga sesyon ng kapulungan.
Ayon kay Sotto, ipinatutupad lamang ng Senado ang umiiral na mga patakaran kaugnay ng bilang ng hindi pagdalo ng isang miyembro sa mga pagdinig ng komite.
Nanatili lamang ang kanyang membership sa mga komiteng hindi pa nagkakaroon ng pagpupulong kamakailan, kung saan inaasahang maghahalal ng mga kapalit niya.
Sa plenaryo noong Miyerkules, pormal na pinalitan ni Senador Joel Villanueva si Dela Rosa bilang miyembro ng Senate committee on justice and human rights.
Noong nakaraang linggo, nawalan din siya ng puwesto sa Senate Blue Ribbon Committee at pinalitan ni Senador Robin Padilla.
Hindi na nakapagpakita sa publiko at hindi na rin dumalo sa alinmang sesyon ng Senado si Dela Rosa mula pa noong Nobyembre 11, 2025.
Nagsimula ang kanyang pagliban matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na umano’y naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya kaugnay ng madugong war on drugs ng administrasyong Duterte.
Kalaunan, kinilala rin ng ICC Office of the Prosecutor si Dela Rosa bilang isa sa mga umano’y co-perpetrators ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
Samantala, naghain ng ethics complaint ang civil society group na Wag Kang KuCorrupt laban kay Dela Rosa dahil sa patuloy nitong hindi pagdalo sa Senado.










