TUGUEGARAO CITY-Tumataas umano ang acceptance level ng mga nagnanais magpabakuna ng anti-covid 19 kasabay ng vaccination roll-out kung saan una nang nabakunahan ang mga healthcare workers sa Pilipnas.
Pahayag ito ni Undersecretary Ramon Cualoping III ng Presidential Communications Operations Office na siya ring director general ng Philippine Information Agency (PIA), kasabay ng kanyang pagbisita sa probinsya ng Cagayan.
Ayon kay Cualoping, unti-unti ng nakikita ng publiko ang kahalagahan ng bakuna para muling makabangon ekonomiya ng bansa at makabalik sa normal na buhay.
Ngunit, sinabi ni Cualoping na marami pa rin ang mayroong agam-agam sa bakuna dahil sa mga nagkalat na fake news na nagsasabing hindi epektibo ang bakuna laban sa virus.
Dahil dito, patuloy aniya ang kanilang pag-iikot sa bansa para iparating sa publiko na lahat ng mga dumating na bakuna sa bansa ay dumaan sa masusing pag-aaral ng Food and Drug Administration (FDA) kung kaya’t nakatitiyak sila na ligtas ang mga bakuna na itinuturok.
Kailangan ang kooperasyon ng publiko sa usapin ng pagbabakuna dahil ito ay dagdag proteksyon laban sa nakamamatay na sakit.
Paliwanag ni Cualoping, bahagi na ng ating buhay ang covid-19 kung kaya panatilihin ang pagsunod sa mga mga nakalatag na health protocols at magpabakuna laban dito.
Target ng Gobyerno na maturukan ng bakuna ang 70 percent ng populasyon ng bansa para makamit ang herd immunity kung saan nasa 148Million doses ng bakuna ang bibilhin.