Aabot na sa 8 ang aktibong kaso ng mpox sa bansa matapos maidadgdag ang tatlong bagong kaso na natukoy sa bansa.

Ayon sa Department of Health (DOH) na ang lahat ng aktibong kaso ng mpox sa bansa ay dahil sa MPXV clade II, isang mas banayad na anyo ng mpox virus.

Sinabi ng DOH na dalawa sa mga karagdagang kaso ay mula sa Metro Manila, habang ang isa ay mula sa Calabarzon.

Ang kabuuang mpox caseload sa Pilipinas ay nasa 17 na mula noong Hulyo 2022.

Siyam sa mga kaso na ito ay matagal nang naka-recover mula noong 2023, habang ang walo ay nanatiling aktibong mga kaso na naghihintay para sa paglutas ng mga sintomas.

-- ADVERTISEMENT --

Ang ika-15 na kaso ay isang 29-anyos na lalaki mula sa National Capital Region (NCR) na nagsimula ang mga sintomas noong Agosto 21.
Nagkaroon siya ng mga pantal, namamagang lymph nodes, namamagang lalamunan, pananakit ng kalamnan, at panghihina. Nagsimula rin ang kanyang lagnat makalipas ang isang araw.

Sa ngayon, ang kasong ito ay nananatili sa home isolation.

Samantala ang 16 kaso ay isang 34-anyos na lalaki na mula rin sa NCR, na nagsimula ang mga sintomas noong Agosto 27. Nagkaroon siya ng mga pantal at paltos, at mayroon ding ubo, pagkahapo, at pamamaga ng mga lymph node.

Wala rin siyang kasaysayan ng paglalakbay 21 araw bago magsimula ang kanyang mga sintomas, ngunit nagkaroon ng pakikipagtalik sa tatlong indibidwal. Patuloy ang contact tracing.

Kasalukuyang tinatapos ang kanyang isolation sa bahay matapos siyang ma-discharge mula sa isang health facility.

Panghuli, ang ika-17 kaso ay isang 29-taong-gulang na lalaki mula sa Calabarzon na nagsimulang lagnat noong Agosto 19.

Hindi nagtagal, nagkaroon siya ng mga pantal o vesicles sa kanyang mukha, thorax, braso, binti, at talampakan, at nagkaroon din ng sakit ng ulo, kalamnan, at namamagang lymph node sa leeg.

Wala rin siyang travel history bago nagsimula ang sintomas ngunit may close intimate contacts sa isang sexual partner sa parehong panahon.

Ang kaso ay iniulat na may dalawang household close contacts.

Sinabi ng DOH na ipinaalam na ang sitwasyon sa mga local government units kung saan nanggaling ang tatlong bagong kaso na ito.