
Binigyang-diin ng human rights group KARAPTAN na dapat na panagutin at kasuhan ang mga pulis at mga sundalo, maging ang nag-utos sa pag-aresto kay Amanda Echanis, organizer ng Cagayan Chapter of the Amihan National Federation of Peasant Women.
Sinabi ito ni Cristina Palabay, secretary general ng KARAPTAN kasunod ng paglaya ni Echanis matapos ang pagpapawalang-sala sa kasong illegal possession of firearms and explosives kaninang umaga.
Matatandaan na sinalakay ng mga pulis at mga sundalo ang bahay na tinitirhan ni Echanis sa Barangay Carupian, Baggao, Cagayan habang inaalagaan ang kanyang isang buwang sanggol na anak noong madaling araw ng December 2, 2020.
Sinabi ni Palabay na ang desisyon ng korte na pagbasura sa kaso ni Echanis ay patunay lamang na totoo ang mga iprinisintang mga dokumento at mga testimonya na planted o itinamin ang mga ebidensiya laban sa kanya.
Idinagdag pa ni Palabay na patunay sa aquittal ni Echanis ang sistematikong paggamit ng mga awtoridad sa gawa-gawang kasong illegal possession of fire-arms laban sa mga human rights defenders, kung saan binubuo na ito ng kalahati ng nasa 700 na political prisoners sa buong bansa.
Ipinagpatuloy ni Echanis ang kanyang karapatan sa kulungan, at habang wala siya sa piling ng kanyang anak.
Habang nasa kulungan, ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa University of the Philippines Diliman, tumakbo sa student council, at nahalal bilang Number 1 student councilor ng unibersidad.










