Ang aktres na si Nadia Montenegro, ang tinukoy sa inilabas na report mula sa Senate Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA), na tauhan ni Senador Robin Padilla, na sangkot sa insidente ng hinihinalang gumamit ng marijuana sa banyo ng kapulungan.
Itinanggi naman ni Nadia ang hinala laban sa kaniya.
Base sa naturang report na may petsang August 13, napansin umano ng security personnel na si Victor Patelo ang dalawang magkahiwalay na insidente ng kakaibang amoy na nagmumula sa palikuran ng mga babae sa extension offices ng Senado.
Nangyari umano ang unang insidente noong ikalawang linggo ng July 2025 habang nasa puwesto si Patelo sa 5th floor ng Senate building.
Nang panahong iyon, nakatanggap si Patelo ng tawag mula sa isang male staff member tungkol sa isang malakas na amoy sa nasabing lugar.
Sinabi ni Patelo na pumunta siya sa mga opisina, kung saan kinumpirma ng halos lahat ng mga staff ang kakaibang amoy.
Ayon sa kanya, nag-ikot siya sa palibot, subalit wala naman siyang nakitang naninigarilyo.
Nangyari naman ang ikalawang insidente noong August 12 sa kaparehong palapag ng gusali.
Ayon kay Patelo, isang lalaki na nagpakilalang staff ni Sen. Ping Lacson ang may nalanghap na kakaibang amoy na galing din sa banyo ng mga babae.
Ayon kay Patelo, pinuntahan niya at tinanong si Nadia, na itinanggi naman na gumagamit siya ng marijuana.
Una rito, iniulat na iniutos ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na imbestigahan ang insidente. Nagsasagawa rin umano ng sariling imbestigasyon ang opisina ni Padilla.
Ayon kay Senate Secretary Atty. Renato Bantug Jr., binigyan ng OSAA ng naturang incident report ang tanggapin ni Padilla kahapon.
Sinabi naman ng chief of staff ni Padilla na si Atty. Rudolf Philip Jurado, na hiningan na nila ng paliwanag ang kanilang tauhan na hinihinalang gumamit ng marijuana.