Binuksan na sa publiko ang bagong Acute Stroke Unit na may layuning magkaroon ng sariling ward ang mga pasyenteng na-stroke na dinadala sa Cagayan Valley Medical Center.

Kasabay ng pagpapasinaya, sinabi ni Dr. Marlene Cinco, medical specialist ng CVMC na pabata ng pabata ang mga na-iistroke.

Ito aniya ay dahil sa lifestyle ng karamihan na mas madalas kumakain ngunit kulang naman sa ehersiyo.

Dagdag pa niya, na mas marami ang bilang ng mga lalaking na-iistroke.

Ayon naman kay Dr. Rowel Matila, isa ring espesyalista sa CVMC na nalulunasan ang stroke kung agad na maidala ang pasyente sa pagamutan sa loob ng apat at kalahating oras upang maagapan ng mga doktor.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, umaabot sa 300 hanggang 400 stroke patients ang nadadala sa CVMC kada taon.

Kasabay nito, puspuan ang kanilang kampanya upang maabisuhan ang publiko ukol sa stroke management at maging ang mga rescuers ay sinasanay sa mga ganitong insidente, subalit naantala dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa pagbubukas ng Acute Stroke Unit na mayroong walong bed capacity ay mabibigyan ng sapat na atensiyon ang mga stroke patients sa pangangasiwa ng mga espesyalista.