
Handang humarap si House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong sa mga indibidwal na nagpakilalang dating Marines na nag-akusa sa ilang mambabatas ng pagtanggap ng pera mula kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co.
Sinabi ni Adiong na dadalo siya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa Hunyo 8 upang direktang kuwestiyunin ang mga alegasyon at hilingin sa mga nag-akusa na maglatag ng ebidensiya, kabilang ang mga detalye ng umano’y pagdadala ng pera sa Kamara.
Iginiit din niya na hindi siya natatakot sa mga alegasyon at pinag-aaralan na ang pagsasampa ng kasong libelo laban sa mga sangkot dahil sa umano’y paninirang-puri.
Samantala, sinabi ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro na layunin lamang umano ng mga alegasyon na siraan ang mga prosecutor sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte at iba pang personalidad na kritikal kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.




