TUGUEGARAO CITY-Umapela ang Local Government Unit (LGU)-Tuguegarao sa mga nakakaluwag sa buhay na tumalima sa Executive Order No. 44 o ang “Adopt-a-Family Program” kasabay ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine dahil sa Covid-19 .
Una rito, inilabas ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano ang Executive Order dahil marami sa mga residente sa lungsod ang “no work no pay” na labis na naaapektuhan sa Luzon quarantine.
Ayon kay Soriano, ang “Adopt-a-Family Program” ay humihikayat sa mga residenteng may kaya o nakakaluwag sa buhay na magbigay sa mga mahihirap na pamilya katulad ng pagkain, gamot at iba pang maari nilang maitulong.
Kailangan alamin din ng mga barangay officials ang kanilang mga residenteng mahihirap na pamilya para mairegister na “adopted family” upang agad na maabutan ng tulong.
Kaugnay nito, umaaasa ang alkalde na magpapakita ng malasakit at kooperasyon ang mga nakakaluwag sa buhay sa panahon ng pangangailangan.