Nagsampa ng cyberlibel complaint si Philippine Army Col. Raymund Dante Lachica laban kay Ramil Madriaga at sa legal counsel nitong si Raymund Palad sa Department of Justice–Davao City ntong Miyerkules, Enero 21, 2026, dahil sa umano’y pagpapakalat ng “unverified claims” online.

Ayon kay Lachica, ang mga ito ay nakasira sa kanyang reputasyon at nakaapekto sa kanyang pamilya.

Mariing itinanggi ni Lachica, dating hepe ng Vice Presidential Security and Protection Group, ang mga paratang at iginiit na wala siyang naging ugnayan kay Madriaga.

Ang reklamo ay may kaugnayan sa mga alegasyong lumitaw sa isang affidavit na inirefer sa Ombudsman noong Disyembre 2025, kung saan idinawit si Lachica sa umano’y ilegal na gawain.

Ayon kay Lachica, mali at may masamang layunin ang mga pahayag na ito.

-- ADVERTISEMENT --

Binigyang-diin ni Lachica na ang hakbang ay hindi upang patahimikin ang kritisismo kundi upang ipagtanggol ang katotohanan at idaan ang usapin sa tamang proseso ng batas, sa halip na sa “trial by publicity.”