Tiniyak ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief General Romeo Brawner Jr. na nagkaroon ng koordinasyon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF bago ang badugong engkuwentro noong January 22 na ikinasawi ng apat na katao kabilang ang dalawang sundalo.

Ayon kay Brawner, ibinigay ang sulat ng Joint Normalization Committee (JNC) sa maraming address, at carbon copy sa iba’t ibang units hindi lamang sa panig ng pamahalaan kundi maging sa MILF.

Ang JNC ay lupon na binubuo ng mga kinatawan ng pamahalaan at MILF na naatasang magsagawa ng normalization, kung saan ito ang second track ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro, ang produkto ng ilang taon na peace negotiations sa pagitan ng pamahalaan at MILF.

Una rito, sinabi nina Bangsamoro Education Minister Mohagher Iqbal at Butch Malang, chairperson ng MILF Coordinating Committees on the Cessation of Hostilities (CCCH), na posibleng nangyari ang engkuwentro dahil sa kakulangan ng koordinasyon sa pagitan ng dalawang panig.

Gayunman, sinabi ng mga ito na nagsasagawa pa sila ng beripikasyon sa nasabing insidente.

-- ADVERTISEMENT --

Dalawang sundalo ang namatay at 12 ang nasugatan sa engkuwentro sa Sumisip, Basilan nang atakehin ang 32nd Infantry Battalion ng dalawang armadong grupo, kung saan ang isa ay may kaugnayan sa MILF.

Patungo ang mga sundalo sa nasabing bayan para magbigay ng seguridad para sa personnel ng United Nations Development Programme (UNDP) na nasa lugar para sa humanitarian project.

Dalawang miyembro din ng armadong grupo ang napatay sa labanan.

Kaugnay nito, iginiit ni Brawner na hindi naman talaga kailangan ang koordinasyon sa MILF para sa pagpasok ng mga sundalo sa nasabing lugar.

Ayon sa kanya, hindi na umiiral ang Area of Temporary Stay (ATS), kaya walang dahilan para sabihin ng MILF na kailangan pa ng koordinasyon.