Inaalam na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakakilanlan ng personnel na nagbibigay ng security kay Davao City Representative Paolo “Pulong” Duterte kasunod ng viral video.

Sa pahayag ni AFP public affairs office chief Colonel Xerxes Trinidad, sinabi niya na kinumpirma ng AFP na binigyan ng otorisasyon ng Commission on Elections na magpanatili ng security detail si Duterte na binubuo ng AFP personnel batay sa applicable rules and regulations sa election period.

Sinabi ni Trinidad, sa kasalukuyan ay nagsasagawa na ng internal inquiry ang AFP para sa beripikasyon at validation sa pagkakakilanlan ng personnel na itinalaga na magbigay ng security kay Rep. Duterte.

Una rito, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Rommel Marbil na dalawang pulis at dalawang sundalo ang nakita sa footage nang sinasaktan ni Duterte ang isang lalaki sa isang bar sa Davao City.

Sinabi ni Marbil na hindi otorisado ang dalawang pulis na magbigay ng security kay Duterte.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Marbil, ang dalawang pulis na nakita sa video at kanilang commanders ay matatanggal sa kanilang serbisyo dahil sa umano’y moonlighting para kay Duterte.

Samantala, sinabi naman ni Trinidad na makikipag-ugnayan ang AFP sa PNP at iba pang kaukulang ahensiya sa imbestigasyon kaugnay sa security detail ni Duterte.