Kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na magpapatupad sila ng adjustment sa kanilang gagawing rotation and resupply mission sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ay bunsod sa nangyaring insidente nuong June 17, 2024 kung saan nagpakita ng iligal at agresibong aksiyon ang China Coast Guard (CCG).

Ayon kay AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, na magkakaroon ng pagbabago sa kanilang gagawing hakbang upang maiwasan ang kahalintulad na insidente.

Ayon sa opisyal, may mga nakalatag na silang contingency measures at mahigpit na pinag-aralan ng AFP ang mga gagawin para maging matagumpay ang RORE mission.

Mahigpit din ang ginagawang koordinasyon ng AFP sa Philippine Coast Guard at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources para sa patuloy na maritime patrols para maprotektahan ang mga Filipinong mangingisda.

-- ADVERTISEMENT --

Una ng inihayag ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na kanilang ipagpapatuloy ang rotation and reprovision of supplies sa BRP Sierra Madre dahil may mga personnel na naka station duon at maging sa ilan pang mga features na sakpo sa exclusive economic zone ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Brawner ang RORE mission ay isang legal na operasyon na isinasagawa ng Pilipinas.

Tumanggi naman si Brawner idetalye sa kung anong paraan ang kanilang gagawin para maihatid ang mga supplies sa BRP Sierra Madre.

Patuloy na naninindigan ang AFP na ang presensiya ng China sa West Philippine Sea ay iligal.