Muling pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga alegasyon kaugnay sa sinasabing P15 billion ghost projects sa militar.

Binigyang-diin ng AFP na ang nasabing halaga ay tumutukoy sa TIKAS Program, na tanging pinamamahalaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon sa AFP, ang mga alegasyon na nilabag ni AFP chief General Romeo Brawner ang Philippine Military Academy Honor Code ay pawang walang katotohanan.

Idinagdag pa ng AFP na walang reklamo, imbestigasyon, o ebidensiya na susuporta sa nasabing akusasyon.

Ito umano ay gawa-gawa na mga akusasyon na may layunin na sirain ang reputasyon ng isang senior military officer.

-- ADVERTISEMENT --

Mariing itinanggi rin ng AFP na tumanggap ito ng P15 billion mula kay Representative Martin Romualdez para sa “ghost” projects.

Noong October 2025, sinabi ng Department of National Defense na inirekomenda nila ang pagtanggal sa hindi natapos na infrastructure projects sa ilalim ng DPWH.

Ito ay matapos na sitahin ni Senate finance committee chairperson Sherwin Gatchalian sa isang pagdinig ng senado sa budget ng DND ang mga hinti natapos na proyekto ng DPWH sa Philippine Air Force sa ilalim ng TIKAS Program.

Buhat noon ay nililinaw ng AFP ang mga “misleading” na mga posts sa social media na iniuugnay ang mga kuwestionableng mga proyekto sa liderato ng militar.