Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines o AFP nitong Linggo ang mga ulat tungkol sa umano’y coordinated military drills ng People’s Liberation Army Navy at China Coast Guard sa paligid ng Bajo de Masinloc sa West Philippine Sea.

Ayon kay AFP spokesperson para sa West Philippine Sea, Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, batay sa kanilang coordinated maritime domain awareness, walang katotohanan ang sinasabing nagsasagawa ng joint military exercises ang mga naturang barko ng China.

Dagdag ni Trinidad, ang aktuwal na namonitor ng kanilang pwersa ay hiwa-hiwalay at magkakahiwalay na operasyon lamang ng mga Chinese vessels, at wala umanong naobserbahang organisadong galaw, taktikal na maniobra, o sabayang pormasyon na maituturing na military exercise.

Batay sa ulat ng Reuters, nagsagawa umano ng patrols ang China Coast Guard at military nito sa mga pinagtatalunang bahagi ng West Philippine Sea kasunod ng mga pahayag ng Maynila tungkol sa patuloy na banta mula sa China.

Samantala, nagsagawa rin ng bilateral Maritime Cooperative Activity ang Pilipinas at Estados Unidos sa parehong lugar bilang bahagi ng pagpapalakas ng depensa at interoperability ng dalawang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Ang Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough Shoal o Panatag Shoal, ay nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Noong 2016, pinaboran ng international arbitration tribunal sa The Hague ang Pilipinas at idineklara na walang legal na basehan ang malawak na pag-angkin ng China sa South China Sea.