Pinag-aaralan ng Philippine Military Academy (PMA) kung paano makikibahagi ang mga kadete sa joint military drills para sa pagdepensa sa marine territory ng ating bansa.
Sinabi ni Armed Forces chief of staff Gen. Romeo Brawner Jr., na inilalantad ng PMA ang mga kadete sa lumalabas na mga global at domestic problems na maaari nilang maharap bilang commissioned junior officers sa sandaling sila ay magtatapos.
Ayon kay Brawner, sumasailalim ang mga kadete sa kanilang sariling military service exercises bilang bahagi ng curriculum, sa pamamagitan ng paglahok sa mas malaking programa tulad ng taunang Balikatan Exercises.
Subalit, sinabi ni Navy Rear Adm. Caesar Bernard Valencia, PMA superintendent, kailangan muna nilang pag-aralan ang training schedules ng Corps of Cadets upang malaman kung sinu ang nararapat na isasabak sa susunod na Balikatan.
Ang Balikatan nitong 2023 ay isinagawa mula Abril hanggang Mayo sa Batanes at Palawan.
Kaugnay nito, sinabi ni American Adm. Samuel Paparo, pinuno ng US Indo-Pacific Command na ang 2025 Balikatan ang magiging pinakamalaki na “multidomain” exercises buhat nang magsimula ang programa 39 na taon na ang nakalilipas.
Isasagawa dito ang iba’t ibang ground, air at naval combat services sa pamamagitan ng buo at komprehensibong pagsasanay ng maritime defenses.
Umaasa si Brawner na raratipikahan ng kongreso ng bansa at Japan ang “reciprocal access agreement,” na magpapahintulot sa Japan na makilahok sa 2025 Balikatan.