Seryosong tinutugunan ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang isyu na nasa 25 lugar sa ibat ibang bahagi ng Pilipinas na target umano ng hypersonic missiles ng China dahil sa EDCA sites at sa mga nangyayaring sernayo sa West Philippine Sea (WPS).
Ginawa ng AFP ang pahayag kasunod ng statement ni Senator Imee Marcos tungkol sa 25 na lugar sa bansa na target ng missile launch ng China.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Francel Margaret Padilla, nakahanda ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas na makipag ugnayan sa tanggapan ni Senador Marcos para makakuha pa ng mga karagdagang detalye ng sa gayon makagawa ng kaukulang aksiyon para matiyak ang seguridad ng ating bansa.
Sa ngayon walang natatanggap na impormasyon ang intelligence community ng AFP hinggil sa umano’y missile launch ng China sa Pilipinas.
Samantala, inihayag ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner na nakahanda ang AFP na lumaban sa sinumang nais sumakop sa ating teritoryo.