TUGUEGARAO CITY- Pinaghahandaan na ng Provincial Inter-Agency Task Force ng Cagayan (PIATF) ang mga ilalatag na panuntunan para sa pagbubukas ng inter-regional route sa probinsya.

Sa isinagawang pulong ng Provincial IATF katuwang ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) region 2, nakatakda ang re-opening ng biyahe para sa pampublikong sasakyan sa December 1 ngayong taon.

Ayon kay Gov. Manuel Mamba, naghain na sila ng resolusyon para sa implimentasyon nito kung saan lahat ng mga pampublikong transportasyon mula sa Metro Manila at iba pang rehiyon ay pahihintulutang pumasok ngunit dapat nasusunod ang mga panuntunang nakasaad sa ilalim ng alert level system.

Punto nito, dapat tutukan ng pamahalaang panlalawigan ang mga ipatutupad na hakbang upang hindi na maulit muli ang pagsipa ng kaso ng virus tulad ng mga nangyari sa nakaraan kung saan maraming dumating na indibidwal mula sa mga high risk areas.

-- ADVERTISEMENT --

Bahagi nito ay pinapabilis na aniya sa probinsya ang vaccination program upang maabot ang 70% herd immunity mula sa kabuuan ng populasyon sa Cagayan.

Ayon sa Gobernador, marami ng dumarating na bakuna sa ngayon ngunit nagkukulang ang vaccination team kaya’t binuksan na lahat ng mga rural health unit sa probinsya upang tumulong sa pangangasiwa ng vaccination program.

Hinikayat din nito ang mga LGUs na tutukan ang pagsasagawa ng mobile vaccination upang madala sa komunidad ang serbisyo ng pagbabakuna para sa proteksyon ng mga residente.