TUGUEGARAO CITY- Inirekomenda ng Department of Health (DOH) Region 2 ang pagsasagawa ng aggressive community testing sa mga tinaguriang areas of special concern dahil sa pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng variants of concern ng COVID19.
Sinabi ni Dra. Ma. Angelica Taloma, focal person ng COVID-19 na inaayos na ng DOH ang mga alituntunin
na ipatutupad para sa maayos at ligtas na pagsasagawa ng mass testing sa mga red areas o lugar na may
mataas na kaso ng virus.
Ayon kay Taloma, ibinase sa bilang ng mga aktibong kaso, epidemic risk classification, health care
utilization at bilang ng mga mayroong variants of concern ang mga tinukoy na areas of concern.
Inihayag pa niya na uunahin nila ang mga lugar na may mataas ang transmission, ang mga manggagawa na
may mataas ang exposure, vulnerable patients at ang sector na labis na naapektuhan ang pangkabuhayan.
Sa lalawigan ng Cagayan, 15 mula sa 29 na bayan at lungsod ang idineklarang areas of special concern na
kinabibilangan ng Tuguegarao, Ballesteros, Solana, Baggao, Iguig, Alcala, Gonzaga, Allacapan, Lasam,
Buguey, Aparri, Lallo, Pamplona, Amulung at Abulug.
Sa probinsiya ng Isabela, pito mula sa 37 bayan at lungsod ang tinukoy na areas of special concern gaya
ng Santiago City, Luna, Tumauini, City of Ilagan, Cauayan City, Cabagan at Roxas.
Sa probinsiya naman ng Nueva Vizcaya, kasama sa listahan ang Bayombong, Solano at Bambang mula ito sa
15 bayan.
Habang wala namang natukoy na special concern sa probinisya ng Quirino at Batanes na nasa minimal cases
lamang.
Samantala, nadagdagan pa ng 618 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa buong lambak ng Cagayan.
Sa huling datos ng DOH, umakyat sa kabuuang 6,383 o 9.28% ang bilang ng active cases na binabantayan ngayon ang kondisyon.
14 naman ang bagong naidagdag na bilang sa talaan ng mga nasawi kaya’t sa ngayon ay sumampa na ito sa
kabuuang bilang na 1,869 o 2.71%
Ang mga recovered naman ay nadagdagan din ng 294 dahilan upang umakyat pa ito sa bilang na 60,463.
Sa datos ng ahensya ay umaabot na sa 68,738 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa rehiyon
mula noong Marso 2020 hanggang sa kasalukuyan.