Inilunsad ng Department of Agriculture Region 02 sa pamamagitan ng kanilang High Value Crops Development Program at ng Batanes Experiment Station ang Ivana Mega Field Day at pagbubukas ng Agri-Tourism Farm cum Garlic Information Caravan sa bayan ng Ivana, Batanes.

Pinangunahan ni Batanes Governor Marilou Cayco ang nasabing aktibidad kasama ang ibat ibang local chief executives mula sa ibat ibang bayan ng naturang probinsiya.

Ayon kay Cayco na ang 3-in-1 activity ay nagsisilbing testimonya sa Batanes heritage kung saan nakasentro ngayon ang pamahalaang panlalawigan sa tourism and development sa sektor ng agrikultura bilang suporta sa food sufficiency program para sa garlic, root crops at ibat ibang klase ng gulay.

Samantala sa keynote speech ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr na sinabi ni Regional Technical Director for Operations and Extension Dr. Roberto Busania na naobserbahan sa mga nakalipas na taon ang pagbaba sa produksyon ng bawang na may annual rate na 4%.

Ito ay dahil na rin sa pagbabago sa mga itinatanim o crop shifting dahil sa mababang presyo nito sa merkado sa mga panahon na ng anihan, kompitensiya sa mas murang imported garlic, epekto ng kalamidad at marami pang iba.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Sec. Laurel na kailangan nang tugunan ang mga problemang ito para makamit ang tumataas na local demand ng bawang na hindi na magdedepende sa importation sa pamamagitan ng pag-prioritize sa development ng seed system gamit ang mga makabagong teknolohiya, pagpapataas ng farm productivity gamit ang mechanization, at pagpapatupad ng organic agricultural practices para maprotektahan ang lupa at kapaligiran para mapakinabangan pa ang ito para sa produksyon.

Samantala, nakatanggap naman ng tulong pinansyal ang Chanarian Farmers Association na nagkakahalaga ng P167, 261, ang LGU Basco Cattle Association at LGU Itbayat ng tig- P165k, LGU Ivana na P5.3 M, at PLGU Batanes na P3.7 M.