Namigay ng tulong ang Police Regional Office 02 sa Agta community na naapektuhan ng engkwentro sa pagitan ng tropa ng pamahalaan at New Peoples Army sa Sitio Bagsang, Sta. Clara, Gonzaga, Cagayan.

Ayon kay PLTCOL. Efren Fernandez II, tagapagsalita ng PRO2, nakatanggap ang mga apektadong residente ng iba’t ibang grocery items, multi-vitamins, gamot at medical supplies.

Nakinabang rin ang mga batang IPs sa feeding program na pinangunahan ng The My Brother’s Keeper Life Coaches, Inc.; PRO2 Officers Ladies Club at Cagayan PPO Ladies Link.

Nasa 60 bata naman ang nabigyan ng libreng tsinelas sa ilalim ng “Patsinelas ni PD Manoy” ni Police Colonel Renell Sabaldica, Provincial Director, Cagayan Police Provincial Office.

Bukod dito, nagsagawa rin ng lecture kaugnay sa Anti-insurgency and Terrorism ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) sa pangunguna ni Regional Director Flormelinda Olet.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin nito na itaas ang kamalayan ng mga residente sa mapanlinlang na diskarte sa recruitment ng makakaliwang pangkat na target ang mga kapus-palad na nasa liblib na lugar.

Samantala, aabot naman sa mahigit P1.3 milyon na Financial Assistance ang ibinahagi kamakailan ng PRO 2 para sa mga biktima ng bagyong Odette sa MIMAROPA Region.

Ang naturang halaga ng pera ay mula sa nalikom ng PRO2 ay galing sa mga nalikom na tulong mula sa mga police officers sa rehiyon, mga miyembro ng KKDAT, mga relihiyosong sektor, at mga stakeholders.

Alinsunod naman sa COMELEC resolution 10732, sinabi ni Fernandez na mahigpit na ipinagbabawal ang face-to-face campaigning kung walang permiso mula sa National hanggang Municipal Committee na binubuo ng ibat ibang ahensya ng gobyerno.

Ayon pa kay Fernandez, mahigpit na ipinagbabawal ang panghihikayat ng isang indibidwal sa mga kandidato o party na magdaos ng anumang uri ng pangangampanya sa mga kabahayan ng wala pa ring permiso mula sa COMELEC alinsunod pa rin sa kautusan ng komisyon.

Patuloy naman ang koordinasyon ng PRO2 sa COMELEC para sa mapayapang halalan 2022.