Inihayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na nasa pagpapasiya ng mga miyembro ng Kongreso kung magpapanukala sila o hindi ng pondo para sa Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) para sa susunod na taon, dahil walang natanggap na alokasyon ang programa sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP). 

Subalit, sinabi ni Pangandaman na ang AKAP-ang assistance program para sa minimum-wage earners ay hindi kasama sa priority programs ng administrasyon.

Dahil dito, sinabi ni Pangamdaman na nasa Kongreso kung nais nilang muli itong idagdag.

Matatandaan na wala ring alokasyon para sa AKAP sa ilalim ng 2025 NEP na isinumite ng Department of Budget and Management.

Subalit, naglaan ang Kamara ng P39 billion para sa AKAP sa ilalim ng kanilang bersyon ng General Appropriations Bill (GAB).

-- ADVERTISEMENT --

Tinanggal naman ito sa bersyon ng Senado.

Sa bicam, nakatanggap pa rin ang AKAP ng alokasyon na nasa P26 billion sa ilalim ng final version ng GAB.

Ang tinawag na budget “insertion” para sa AKAP ay kabilang sa mga tumanggap ng mga batikos sa 2025 General Appropriations Act. 

Iginiit ni Pangandaman na ang nasa P13 billion na undisbursed AKAP allocations ay nananatili sa 2025 budget.

Ayon sa kanya, malaki pa ang natitira at maaari itong gamitin sa 2026 dahil ang budgey at may dalawang taon na validity.