Nagtipon ang iba’t ibang sektor na grupo sa UP Bahay ng Alumni sa Quezon City upang ilunsad ang “Risa Na!” Movement na naglalayong isulong ang posibleng pagtakbo ni Senador Risa Hontiveros sa pagkapangulo sa 2028.

Pinangunahan ng Akbayan at Magdalo, kasama ang iba pang organisasyon, ang inisyatiba bilang suporta sa posibleng presidential bid ng senador, batay sa kanyang mga batas at track record sa lehislatura.

Ayon sa mga tagasuporta, kabilang sa mga dahilan ng kanilang pag-endorso ang mga batas na kanyang isinulong tulad ng Expanded Maternity Leave Law, Expanded Solo Parents Welfare Act, at Mental Health Act, gayundin ang paninindigan laban sa katiwalian at extrajudicial killings.

Sinabi rin ng mga lider ng koalisyon na nakipag-usap na sila kay Hontiveros na nagpahayag umano ng pagiging bukas sa posibilidad ng pagtakbo ngunit binigyang-diin ang pangangailangang paghandaan muna ito.

Dumalo rin sa paglulunsad ang ilang dating opisyal at kinatawan ng iba’t ibang sektor, na pawang nagpahayag ng suporta sa kanyang posibleng kandidatura sa 2028.

-- ADVERTISEMENT --