TUGUEGARAO CITY-Nagsasagawa ngayon ng ‘onsight feeding’ ang Animal Kingdom Foundation sa inabandonang mga hayop ng mga residente sa Batangas dahil sa pag-alburuto ng bulkang Taal.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni AKF program director Atty Heidi Caguioa na patuloy na nagbibigay ang grupo ng mga pagkain at malinis na tubig sa mga hayop na nasa mainland at mga sinagip sa danger zone.
Dagdag pa ni Caguioa, marami nang mga hayop ang namatay tulad ng mga kabayo, baka, kalabaw at baboy na nalibing sa makapal na abo.
Kasunod ng ipinatutupad na lockdown, naka-antabay ang grupo upang maipagpatuloy ang rescue operations sa mga nalalabi pang buhay na hayop sa 14 kilometers radius danger zone ng nag-aalburutong bulkan.
Nanawagan din si Caguioa ng donasyon para sa pangangailangan ng mga hayop at maging ng mga evacuees partikular na sa pagkain.
Maaaring ipadala o ideretso ang donasyon sa operation center para sa mga evacuees sa Batangas.