TUGUEGARAO CITY-Umakyat na sa 48 ang aktibong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19)sa Lungsod ng Tuguegarao.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, anim na ang lumabas na positibo sa virus mula sa 2,341 na sumailalim sa aggressive mass testing nitong nakalipas na araw.
Kabilang sa anim na nagpositibo ang isang opisyal mula sa Barangay 7, dalawa ang kawani ng pamahalaang panlungsod ng Tuguegarao at tatlong residente ng Brgy. Carig Sur.
Sinabi ng alkalde na muli silang sasailalim sa swab test kasama ang iba pang opisyal ng City Government sa araw ng Miyerkules dahil kanilang nakasalamuha ang isa sa mga nagpositibo.
Isinailalim din zonal containment ang Remedios Heights Zone 7 sa Barangay Caggay, Tumanguil Street ng Zone 2, Mora Street ng Zone 3 at Maharlika Highway Zone 6 sa Brgy. Carig Sur habang isang street din sa barangay Tanza.
Kaugnay nito, sinabi ni Soriano na mananatili sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang lungsod.
Samantala, nasa 150 pamilya na katumbas ng 400 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation Center partikular sa Brgy. Annafunan East elementary school na apektado ng muling pagbaha sa lungsod.
Tatlong pamilya rin mula sa Brgy. Centro 10 ang nasa evacuation center.
Bagamat bahagyang tumila na ang pag-uulan sa lungsod, sinabi ng alkalde na patuloy pa rin ang kanilang monitoring sa lebel ng tubig at kanyang pinayuhan ang publiko na maging alerto pa rin sa banta ng pagbaha.