Ibinahagi ng Bureau of Immigration (BI) na ang aktibong mobile phone SIM card na gamit ni Alice Guo ang dahilan ng pagkakatukoy ng mga Indonesian police sa townhouse na tinukuyan nito sa Tangereng City na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto.
Ayon sa BI Fugitive Search Unit, may tatlo umanong cellphone number na nakuha at may isang active number ang ginagamit umano ni Guo kung saan doon ito natunton at napuntahan ang kanyang pinagtataguang lugar.
Sinabi ng BI na isang babaeng monghe, na si Guo ang nakilala sa mall na nagmamay-ari ng townhouse.
Kinilala rin ng mga awtoridad ang apat na Chinese at Indonesian citizen na tumulong kay Guo na magtago sa Indonesia.
Matatandaan na ang 33-anyos na na-dismiss na mayor ay inutusang arestuhin ng Senado noong Hulyo dahil sa paulit-ulit na pagkabigong dumalo sa imbestigasyon ng Senado kaugnay sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa kanyang Bamban, Tarlac.
Noong Hunyo, nagsampa rin ng reklamo ang mga awtoridad laban kay Guo at iba pa dahil sa umano’y human trafficking kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa Bamban.
Nahaharap din si Guo sa kasong deportasyon mula sa BI at 87 counts ng money laundering at graft sa Capas, Tarlac.