Hawak na nang pulisya ang itinuturong pumatay kay Konsehal Rosemarie “Osang” Bunagan-Bansig noong Nobyembre 13, 2014 matapos ang mahigit sampung taong pagtatago sa Mandaluyong City.
Sa press conference ng Police Regional Office 2, inilahad ng mga kapulisan na kusang sumuko si alyas Gabby, 44-anyos, tubong Iguig, Cagayan at residente ng Sta. Maria, Bulacan.
Sa pamamagitan ng isang programa sa radyo sa Maynila, kusa umanong sumuko si Gabby matapos maramdaman ang tumitinding pagtugis ng pulisya sa kanya ngunit mariing itinanggi na siya ang nasa likod ng naturang karumal dumal na krimen.
Ang pagsuko nito ay dahil sa pinaigting na intelligence operations ng PRO2 na nagsagawa ng pagsisiyasat sa kanyang inuupahang bahay sa Bulacan at sa tulong na din ng nasabing programa sa radyo dahil sa outstanding warrant of arrest nito para sa kasong murder na inilabas ng Regional Trial Court Branch 10 ng Tuguegarao City noong 2017.
Samantala, binigyang diin ni Col. Tim Kenneth Bansig, asawa ng biktima, na bagamat mahalaga ang pagsuko ni Gabby, ngunit hindi pa rin ito ang kanilang hinahangad na hustisya sapagkat naniniwala itong naging kasangkapan lamang siya ng mga tunay na salarin na nag-utos sa pagpatay sa kanyang asawa na sila ang mga tunay na kriminal.
Nanawagan din si Bansig sa mga otoridad na protektahan si Alyas Gabby dahil kasabay ng pagsuko nito ay ang posibilidad na may magtatangka sa kanyang buhay upang hindi maituro ang totoong nasa likod ng krimen.