Sumabog ang Bulkang Kanlaon sa Negros at nagbuga ng may 5,000 metrong taas ng plume, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Dahil dito, itinaas ang status ng bulkan mula sa Alert Level 1 patungong Alert Level 2 matapos ang pagsabog ng alas-6:51 ng gabi.
Ang Bulkáng Kanlaón ang tinaguriang kambal na bulkan sa pulo ng Negros, sa pagitan ng Negros Oriental at Negros Occidental at nása layòng 36 kilometro mula sa Bacolod.
Ito ang pinakamataas na bulkan sa pulô ng Negros, may taas na 2,465 metro ang isa at 2,200 metro naman ang ikalawa.
Aktibo o buháy ang una, ang Lugud Krater, samantalang ang ikalawa, ang Lambak Margaja ay isa nang lawa na dinadayo ng mga turista.
Ang bulkan ay may tatlong bukal na pinanggagalingan ng mainit na tubig na nása dalisdisan nitó, ang Mambucal Hot Spring, Bucalan Hot Spring, at Bungol Hot Spring.
Bahagi ito ng tinatawag na “Negros Volcanic Belt” at kilalá rin sa tawag na “Cuernos de Negros.”
Marami ring talon ang nása loob ng kagubatan ng Kanlaon, kabílang ang Talong Sudlon at ang Talong Quipot.
Ang Bulkang Kanlaon ay 25 beses nang sumabog mula 1866.
Ang unang naitalâng pagputok nitó ay noong 1866 at sinundan ng iba pang mga pagsabog ng mga sumunod na taón.
Pinakamalakas ang pagputok noong 1893 nang umulan ng abo at umagos ang kumukulong putik sa kinalalagyan ngayon ng Lungsod San Carlos.
Ang pinaka-huling pagputok nitó ay noong 1985.
Subalit noong 1996, bigla itong nagbuga ng mga bato at abó na ikinamatay ng tatlong mountain hikers na naipit sa tuktok ng bulkan.
Ginawang pambansang parke ang paligid nitó noong 8 Agosto 1934 at may lawak na 246 kilometro kuwadrado ang nasasakop.
Ang parke ay may masukal na kagubatan at dinadayo ng mga mountain climbers.
Maraming uri ng hayop at bulaklak ang makikita sa nasasakupan ng parke.
Ang parke ay may mahigit 40 kilometrong daanan papunta sa pinakatuktok ng bulkan.