Tuguegarao City- Patuloy na isinusulong ng simbahang katoliko ang “Alay Kapwa sa Pamayanan Community Caritas Kindness Station” bilang bagagi ng “Community humanitarian Response Program” sa gitna ng nararanasang krisis na dulot ng COVID-19.
Ito ay upang makatulong sa mga labis na naapektuhan sa gitna ng umiiral na Enhanced Community Quarantine.
Sa panayam kay Jing Rey Henderson, National Secretariat for Social Action Caritas Philippines, lahat aniya ng nalilikom na relief goods ay dinadala sa mga inilatag na kindness stations.
Ang kindness station ay ang itinalagang lugar kung saan maaaring makakuha ang mga residente ng kanilang relief goods batay sa kanilang pangangailangan.
Paliwanag ni Henderson, ang naturang programa ay parang barter system na maaaring magdala o mag-ambag ng mga bagay na puwedeng ibigay o ipalit sa kukuning nasa loob ng kindness station.
Giit pa nito na hindi ito katulad ng pamamahagi ng relief goods na kailanang pumila sa halip ay maaari lamang magtungo sa kindness center anomang oras o araw.
Dito aniya masusukat ang pakikipagkapwa at pagkakaroon ng disiplina sa pagkuha ng mga bagay na sapat lang para sa pangangailangan ng pamilya.
Samantala, sa ngayon ay umabot na aniya sa P65M tulong ang naipamahagi na ng simbahan sa ilalim ng programang ito.