CTTO: Northern Dispatch

Walang nakikitang basehan ang House Committee on Indigenous Cultural Communities and Indigenous People sa alegasyon ng umanoy human rights violation ng OceanaGold Philippines Incorporated (OGPI) sa operasyon ng minahan sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa pagdinig ng Komite na pinamumunuan ni Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang, nanindigan ang mambabatas na walang nilabag na karapatang pantao ang minahan na taliwas sa reklamo ng ilang residente at Commission on Human Rights (CHR) na naiakyat pa sa United Nations.

Iginiit ni Mangaoang na napakinggan sa naturang public hearing ang lahat ng panig at napatunayan ng Komite sa kanilang paglilibot na malinis at hindi mapanganib ang tubig na itinatapon mula sa minahan at hindi rin aniya delikado ang tailings dam ng OGPI.

Tinig ni Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang

Sinopla rin ng mambabatas ang alegasyon ng ilang grupo na naimpluwensiyahan ng mining company ang isinagawang pagdinig ng Komite sa loob mismo ng minahan.

Paliwanag ni Mangaoang, bilang isang geologist ay kaisa siya sa mga nagsusulong ng responsableng pagmimina at napatunayan nito na nasusunod ng OGPI ang mga patakaran ng gubyerno sa kanilang pagmimina.

-- ADVERTISEMENT --

Kasama sa komite na dumalo sa pagdinig noong February 28, 2020 ay sina Representatives Maximo Dalog, Jr. ng Mountain Province, Solomon Chungalao ng Ifugao, Junie Cua ng Quirino, at Ferdinand Gaite ng Bayan Muna.

Kalinga Rep. Allen Jesse Mangaoang

Una rito, kinondena ng Grupong Kalikasan ang umano’y hindi patas na pagsasagawa ng komite ng congressional hearing.

Ayon kay Leon Dulce, National Spokesman ng Grupong Kalikasan, mistula aniyang dati ng napagplanuhan ang takbo ng isinagawang pagdinig dahil sa isinagawa ito sa loob mismo ng compound ng mining company.

Bukod dito, hindi pa sila nabigyan ng imbitasyon kung hindi pa sila nag-lobby.

Idinagdag pa niya na tanging mga kinatawan ng concerned agencies ang inimbitahan sa pagdinig at walang civil society o environmental groups gayong ang agenda ay ang paglabag sa karapatan sa kalikasan na apektado ang mga katutubo na tutol sa operasyon ng OGPI.

Tinig ni Leon Dulce, National Spokesman ng Grupong Kalikasan

Sinabi pa ni Dulce na hindi rin binigyan ng sapat na oras ang mga tutol sa operasyon na makapaghayag ng kanilang panig o pananaw sa nasabing usapin.

Leon Dulce, National Spokesman ng Grupong Kalikasan

Matatandaang nag-expire na ang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng OGPI noong Hunyo, 2019 at nasa kamay na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon sa kahilingan ng mining firm na ma-renew ng 25-taon ang kanilang kontrata.

Nauna nang nanawagan si Nueva Vizcaya Gov. Carlos Padilla at mga environmental groups kay Pangulong Duterte na huwag nang i-renew ang FTAA ng OGPI.