Nakakatawa umano ang mga alegasyon ni Congressman Joseph Lara ng ikatlong distrito ng Cagayan sa kanyang inihain na resolusyon sa kamara na humihiling na imbestigahan in aid of legislation ang pagdami ng Chinese nationals sa lalawigan partikular sa Tuguegarao City.

Sinabi ni Mayor Maila Ting Que na malisyoso at libelous ang mga alegasyon ni Congressman Lara na umano’y sponsored ng LGU Tuguegarao at Cagayan ang pagpasok ng mga Chinese national.

Binigyan diin ni Mayor Que na hindi gumagastos ang LGU para sa anomang uri ng scholarships na wala sa batas at lahat ng financial assistance para sa scholarships ay para lamang sa mga taga- Tuguegarao.

Hinamon din ni Mayor Que si Congressman Lara na ilabas ang kanyang mga ebidensiya na ang mga Chinese national na nag-aaral o turista ay ginagamit ng China para mang-espiya sa gitna ng tumitinding tensyon sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Mayor Que na nitong nakalipas na taon ay nag-convene ang peace and order council at inalam din kung ano ang dahilan ng mga Chinese national sa pagpunta sa Tuguegarao at ayon sa intelligence community ay wala silang namonitor na masama o iligal na ginagawa ang mga ito sa lungsod.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, sinabi ni Mayor Que na walang EDCA site sa Tuguegarao upang paghinalaan ang mga Chinese national na mga espiya.

Ipinaliwanag ni Mayor Que, na hindi niya saklaw ang mga policies ng mga pribadong eskwelahan para sa pagtanggap ng mga foreign students sa halip ay tungkulin ito ng Commission on Higher Education at hindi rin ang LGU ang naglalabas ng visa para sa mga ito.

Gayonman, sinabi ni Que na naniniwala siya na marami ang gustong mag-aral sa lungsod hindi lamang mga Chinese kundi iba pang mga dayuhan dahil matatagpuan sa Tuguegarao ang top notch universities at nakikilala na rin ito sa buong mundo, isang bagay na dapat aniya na ipagmalaki.

Iginiit niya na pangunahin ang education tourism sa isinusulong ng kanyang administrasyon bukod pa sa medical at food tourism.

Sa kabila nito, sinabi ni Mayor Que na handa siyang humarap sa imbestigasyon, sa korte man o sa kongreso ukol sa nasabing usapin.