Tinawag ng Bureau of Fire Protection (BFP) Tuguegarao na exaggerated ang alegasyon ng isang Barangay Kagawad sa umanoy mabagal na pagresponde ng ahensiya sa naganap na sunog sa Barangay Atulayan Sur.

Sa panayam ng Bombo Radyo, pinasinungalingan ni Fire Chief Inspector Aristotle Atal ng BFP-Tuguegarao ang naturang pahayag ni Brgy Kagawad Mario Canillas.

Hinamon ni Atal si Canillas na bumisita sa kanilang regional office upang makita ang aktwal na pagresponde ng BFP sa naganap na sunog sa paupahang bahay ni Julius Ceasar Sychanco sa Tuliao St., noong December 18, 2019.

Sa pamamagitan ng global positioning system (GPS) tracker ay namomonitor ang oras ng paggalaw at lokasyon ng mga fire trucks sa buong rehiyon dos.

Batay sa record ng BFP, sinabi ni Atal na tatlong minuto lamang at hindi tatlumpung minuto bago nakapag-responde ang mga pamatay sunog sa lungsod matapos natanggap ang tawag bandang alas 12:05 ng tanghali.

-- ADVERTISEMENT --

Taliwas aniya ito sa pahayag ng kagawad na hindi matawagan ang hotline ng BFP at nauna pa umanong rumesponde ang kalapit na fire department.

Sa katunayan, sinabi ni Atal na tumawag siya sa BFP-Solana bilang back-up sakaling maubos ang tubig ng kanilang apat na firetruck na rumesponde.

Alas-12:23 ng tanghali nang ideklarang under control ang sunog at bandang alas-12:30 idineklara ng BFP ang fire out.

Samantala, patuloy pa rin inaalam ng BFP ang pinagmulan ng apoy, gayundin ang halaga ng danyos sa mga nasunog na ari-arian.

Sa inisyal na imbestigasyon, sinabi ni Atal na posibleng electrical failure ang pinagmulan ng sunog na nagsimula sa ikalawang palapag.

Nilinaw pa nito na residential ang nasunog na boarding house noong Huwebes at wala itong kaukulang business permit o lisensiya.

Muli ring nagpaalala si Atal sa publiko, partikular ang mga building owners, na maging maingat at siguraduhing maayos ang electrical connection upang maiwasan ang insidente ng sunog.