TUGUEGARAO CITY- Mariing pinabulaanan ni PCapt. Jhun Jhun Balisi, hepe ng PNP Solana, Cagayan na walang katotohanan ang pahayag ng isang ginang na planted ang mga nakuhang marijuana at baril sa kanilang target sa buy bust operation na si Michael Garingan.
Binigyan diin ni Balisi na walang basehan ang mga sinabi ni Avelina Rafael kapatid ng suspect dahil wala siya nang isagawa ang buy bust operation.
Sinabi din ni Balisi na sa Brngy. Maguirig nangyari ang operasyon at hindi sa Brngy. General Balao na batay na pahayag ng ginang ay pinaikot-ikot ng ilang oras ang kanyang kapatid sakay ng itim na sasakyan bago siya dinala sa presinto sa Maguirig.
Nilinaw din ni Balisi na wala siyang sinabi na takas sa kulungan ang suspek sa halip ay sinabi niyang napalaya siya dahil sa kasong may kaugnayan pa rin sa illegal drugs.
Wala din aniyang nangyari na pilit na pinapaamin ang suspek na siya ang mastermind sa isang insidente ng pagnanakaw ng mga kalabaw.
Dahil dito, sinabi ni Balisi na patunayan na lamang ng suspek at ang ginang ang kanilang alegasyon sa korte.
Una rito, sinabi ni Ginang Rafael na planted ang mga nakuhang marijuana at baril sa kanyang kapatid matapos na hindi siya umano mapaamin na siya ang mastermind sa pagnanakaw ng kalabaw.
Gayonman, aminado ang ginang na sinabi ito sa kanya ng kanyang kapatid at wala siya ng isagawa ang operasyon.