Inilabas na ng Pamahalaang Panlungsod ng Tuguegarao ang panuntunan sa ilalim ng Alert Level 2 na ipatutupad sa Lungsod simula, bukas, Feb 16 hanggang Feb 28 ngayong taon.
Sa ilalim ng Alert Level 2, ang ikalawang pinakamababang alert level system sa panahon ng COVID-19 pandemic ay papayagan ang ilang establisimyento at aktibidad sa 50% capacity indoors para sa mga fully vaccinated adult, at 70% capacity outdoors.
Kinabibilangan ito ng pagsasagawa ng social gatherings tulad ng meetings, conferences at exhibition sa mga hotels at iba pang convention centers.
Pinapayagan na rin ang pagdiriwang ng birthday, kasal, anniversaries at iba pang okasyon sa mga hotels at ibang venues kahit kasama ang hindi miyembro ng pamilya.
Sa ilalim din nito ay papahintulutan na rin ang pag-operate ng mga tourist attraction, recreational venues tulad ng resorts, cinemas at maging ang dine in services sa mga restaurants kasama ang pagbubukas ng mga beauty salon, spa, fitness gym at iba pa.
Pinapahintulutan na rin ang limited face to face para sa mga nasa higher educataion at vocational training centers ngunit ito ay dadaan pa rin sa pag-apruba ng CHED at ng pangulo ng bansa.
Sa mga kawani ng gobyerno ay magpapatupad din ng full operation capacity ngunit dapat masunod ang capacity restrictions na at least 80% onsite capacity at 20% work from home arrangement.
Pinapayagang lumabas ang edad 18-pababa basta’t fully vaccinated ang kanilang kasama o guardian at dapat ay sa mga establishimentong safety seal compliant lamang ang dapat puntahan.
Iiral ang curfew sa edad 18-pababa mula alas 10pm- 5am.
Maaaring mamasada ang mga tricycle na may ending no. na 1,2,3,4 Lunes hanggang Martes, ang may ending na 5,6,7 ay sa araw ng Miyerkules at Huwebes habang ang 8,9,0 ay mula Biyernes hanggang Linggo at limitado lamang sa dalawang pasahero ang dapat isakay.
Papayagan din ang magka-angkas na hindi magkasama sa iisang bahay basta’t sila ay fully vaccinated.
Ang mga galing sa ibang probinsya o rehiyon na bakunado ay kinakailangang mag register sa contact tracing app na s.pass.ph bago makapasok sa lungsod at ipakita lamang ang vaccination card.
Kakailanganin naman ng testing requirements tulad ng negative antigen test result sa loob ng 72 hours para sa mga hindi pa bakunadong indibidwal.