
Ibinaba ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Lunes ang alert level para sa mga Pilipino sa Israel, bunsod ng pagbuti ng kalagayan sa seguridad sa nasabing bansa.
Ayon sa pahayag ng DFA, ibinaba ang Alert Level sa Israel mula Level 3 (Boluntaryong Repatriation) patungong Level 2 (Restriction Phase), epektibo agad.
May mahigit dalawang milyong Pilipinong migrante sa Gitnang Silangan, kabilang na ang tinatayang 30,000 mga Pilipinong nagtatrabaho bilang caregivers sa Israel at mahigit 1,100 naman sa Iran.
Nauna nang nagpahayag ng suporta ang Pilipinas sa ceasefire na pinagtibay ng Israel at Iran noong nakaraang linggo, ngunit nananawagan pa rin ito ng patuloy na dayalogo upang tuluyang matigil ang armadong tunggalian ng dalawang bansa.
Ayon pa sa pamahalaan ng Pilipinas, umaasa itong ang pansamantalang tigil-putukan ay magiging mahalagang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.
Samantala, tiniyak ng DFA na patuloy nitong imo-monitor ang kalagayan sa Gitnang Silangan at maglalabas ng mga kaukulang pagbabago sa alert level kung kinakailangan.