
Sisikapin ni Alex Eala na makapagsimula nang malakas sa kanyang kampanya sa Strasbourg Open kung saan makakaharap niya si Ukrainian na si Oleksandra Oliynykova sa opening round ngayong Lunes.
Magiging mabigat sa Filipina tennis star si Oliynykova, na kasalukuyang nasa world No. 68 sa WTA rankings at may karanasan na sa Grand Slam matapos ang kanyang debut sa Australian Open ngayong taon.
May solid din siyang clay-court resume matapos magwagi ng tatlong WTA 125 titles noong nakaraang taon sa Italy, Argentina, at Chile.
Bago tumungo sa France, natalo si Oliynykova kay Simona Waltert sa Round of 128 ng Madrid Open.
Samantala, galing naman si Eala sa third-round exit sa Italian Open kung saan natalo siya kay two-time Grand Slam champion Elena Rybakina, 6-4, 6-3.
Ang Strasbourg Open ay magiging ikalimang clay-court tournament ni Eala ngayong season matapos ang kanyang mga kampanya sa Linz, Stuttgart, Madrid, at Rome, habang patuloy niyang hinahasa ang kanyang laro sa European clay swing.




