Inihayag ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa pagdinig ng Kamara na hindi pa siya tiyak kung muli siyang tatakbo sa halalan sa susunod na taon.
Sagot ni Guo sa tanong ni La Union 1st District Rep. Francisco Paolo Ortega V kung muli siyang kakanditato na wala pa siyang desisyon sa nasabing bagay.
Gayonman, sinabi niya na ang mga miyembro ng kanyang slate sa halalan noong 2022 ay naghahangad umano na palawigin ang kanilang termino sa susunod na taon.
Sinabi pa niya na wala silang gaanong komunikasyon ng bise alkalde at mga konsehal ng Bamban bago pa man siya tumakas palabas ng bansa.
Samantala, pinatawan ng Quad Committee (Quadcom) si Guo ng contempt dahil sa mga hindi direktang pagsagot sa mga katanungan sa isinasagawang imbestigasyon.
Ginawa ni Abang Lingkod Party-list Representative Stephen Paduano ang mosyon na i-contempt si Guo matapos niyang labagin ang Section 11 Paragraph C ng House rules procedure na namamahala sa mga pagtatanong.
Gayunpaman, sinabi ni Paduano na ang isyu ng hurisdiksyon ay kailangan pa ring pag-usapan pagkatapos ng pagdinig dahil si Guo ay nasa kustodiya na ngayon ng Philippine National Police (PNP) Custodial Center.
Iginiit ni Paduano na sadyang umiwas si Guo sa pagpiyansa para manatiling nakakulong sa PNP Custodial Center.
Ipinunto niya kung paano hindi kayang magpiyansa ng P180,000 si Guo, na umano’y may bilyong pisong asset.