Hindi naiwasan ni Senate Pro Tempore Jinggoy Estrada at Senator Risa Hontiveros na pagalitan si Alice Guo alyas Guo Hua Ping sa nagpapatuloy na pagdinig ng Senado.
Sinabi ni Estrada na nakakapikon at nakakagigil na si Guo dahil sa patuloy na pagtanggi na sagutin ang mga tanong kaugnay sa kanyang pagtakas palabas ng bansa.
Una rito, sinabi ni Guo na sumakay sila ng puting yate palabas ng bansa.
Subalit, nang tanungin siya kung kanino ang yate ay sinabi niya na hindi niya ito kilala.
Dahil dito, tinanong siya ni Senator Ronald dela Rosa kung sinu ang tumulong sa kanila para makasakay ng nasabing yate.
Ngunit, tumanggi si Guo na sabihin ito dahil sa natatakot umano siya sa kanyang buhay.
Dahil dito, inutusan si Guo na isulat na lamang ang pangalan sa papel.
Pumayag lamang si Guo na isulat sa papel ang pangalan ng tumulong sa kanya nang pumayag ang komite na huwag itong sasabihin sa publiko para sa umano sa kanyang seguridad.
Kaugnay nito, sinabi ni Sen. Estrada na ang isinulat niyang pangalan ay nagmamay-ari ng limang passport at siya ngayon ay nasa Taiwan.
Dahil dito, sinabi ni Guo na ang nasabing tao ang nag-initiate para siya ay itakas palabas ng bansa.
Kasabay nito, sinabi ni Guo na sa isang port sa Metro Manila sila sumakay ng yate.
Sa kanyang salaysay, sinabi ni Guo na mula sa yate ay lumipat sila sa isang malaking barko kasama ang isang babaeng Asian at ipinasok sila sa isang maliit na kuwarto sa barko.
Ayon sa kanya, tatlo hanggang apat na araw sila sa nasabing bahagi ng barko.
Nang lumabas na sila sa barko ay sumakay sila sa isang maliit na bangka patungo sa Malaysia.
Sinabi pa ni Guo na walang opisyal ng pamahalaan o Filipino na tumulong sa kanilang pagtakas.
Ayon pa kay Guo na wala siyang binayaran sa kanilang pagtakas.
Sa ngayon, sinabi ni Guo na nagkaroon na ng lamat ang relasyon nila ng tao na tumulong sa kanya para makaalis ng bansa, subalit tumanggi siya na iditalye ang hindi nila pagkakaunawaan.
Gayonman, inamin niya na isa ang nasabing tao na nagbabanta sa kanyang buhay.
Bukod sa nasabing tao, sinabi ni Guo na may isang Filipino na nagbanta rin sa kanya.