Matipid pa rin sa pagsagot si Alice Guo sa mga tanong sa kanya ng mga Senador sa kasalukuyang pagdinig may kaugnayan sa kanyang pagkakasangkot sa Philippine offshore gaming operator o Pogo.

Iginiit ni dismissed Bamban Mayor Alice Guo na hindi siya si Guo Hua Ping.

Ito ang naging tugon ni Guo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Committee on Women, family relations and gender equality.

Sa kabila ng pagpupumilit ni Senator Risa Hontiveros na iisang tao sina Alice Guo at Guo Huang Ping ay iginiit ni Alice na siya si Alice Guo.

Ayon kay Guo, hindi niya alam kung bakit may kapareho siya ng fingerprint na si Guo Hua Ping.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi pa ni Guo na hindi niya nakumpirma na siya si Guo Hua Ping dahil may kaso siya sa korte at dito niya sasagutin ang nasabing katanungan.

Iginiit din ni Guo na siya ay Filipino, ipinanganak sa Tarlac, Tarlac at hindi siya Chinese national.

Dahil dito, sinabi ng mga Senador na nagsisinungaling si Guo.

Kasabay nito, tumanggi si Guo na ilahad sa pagdinig ang banta sa kanyang buhay at kung kanino galing ang banta.

Ayon sa kanya, ilalahad niya ang banta umano sa kanyang buhay hindi sa publiko.

Dahil dito, nagmosyon si Hontiveros na i-cite for contempt si Guo dahil sa kanyang pag-iwas sa pagsagot sa mga tanong at sa kanyang pagsisinungaling na sinuportahan ng mga kapwa niya Senador.

Sinabi ni Hontiveros na mananatili si Guo sa Senado hanggang sa matapos ang pagdinig o hanggang sa kilalanin at magpakita ng respeto sa authority ng Mataas na Kapulungan.