Isiniwalat ni Senator Risa Hontiveros na nagbayad ng P200 million si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kanilang pagtakas palabas ng bansa na hindi natukoy ng Bureau of Immigration at iba pang law enforcement agencies.
Ginawa ni Hontiveros ang pagsisiwalat sa nasabing impormasyon sa pagdinig ng Senate subcommittee on justice kahapon upang alamin ang mga pangyayari sa likod ng pagtakas ng mga Guo.
Sa pagdinig, isinalaysay ni Shiela Guo, ang pekeng kapatid ni Alice kung paano sila nakalabas ng bansa sa kabila ng nationwide manhunt na inilunsad ng mga otoridad.
Sinabi ni Shiela na tumakas sila noong unang linggo ng Hulyo, na taliwas sa sinabi ng kanilang abogado na si Stephen David at ng BI na nasa bansa pa si Alice sa nasabing panahon.
Ayon kay Shiela, may sumundo sa kanila na isang van sa kanilang bahay sa Bamban at dinala sila sa isang lugar na hindi umano niya alam.
Sumakay sila sa isang puting bangka, bago lumipat sa isang mas malaking barko patungo sa Malaysia.