Kailangan munang maibalik ng Philippine National Police (PNP) ang kopya ng warrant of arrest na inilabas ng Pasig City Regional Trial Court o RTC 167 kaugnay ng kasong qualified human trafficking laban kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ang sinabi ni PNP Public Information Officer (PIO) chief Police Colonel Jean Fajardo kung saan matapos nito ay maaari nang maisagawa ang paglilipat ng kustodiya laban sa dating alkalde sa Pasig City Jail female dormitory.

Ani Fajardo, sa Lunes na maisasagawa ang paglilipat ng kustodiya kay Guo bunsod ng wala namang pasok ang korte kapag weekend.

Kailangan ding maisumite ang resulta ng X-ray at iba pang medical assessment kay Guo bago siya mailipat ng piitan.

Una nang sinabi ni Bureau of Jail Management and Penology Spokesperson Jail Chief Inspector Jayrex Bustinera na kinapos na rin ng oras kahapon kaya’t hindi natuloy ang paglipat kay Guo sa Pasig City Jail pero kanyang siniguro na handa na ang magiging kulungan ng dating alkalde.

-- ADVERTISEMENT --