Kusang loob na sumuko sa mga awtoridad si Mayor Khominie Sandigan ng bayan ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur kaugnay ng mga kasong kriminal na isinampa laban sa kanya.
Ayon kay Major Michael Ameril, hepe ng pulisya sa bayan ng Talayan, nagtungo si Sandigan sa kanilang himpilan noong Setyembre 9, kasama ang kanyang abogado, upang isuko ang sarili.
Unang nakipag-ugnayan sa pulisya ang abogado ni Sandigan upang ayusin ang proseso ng kanyang pagsuko.
Nahaharap ang alkalde sa kasong murder na hindi pinapayagan ang piyansa, at sa kasong frustrated murder na may nakalaang piyansa na ₱200,000.
Ang mga kaso ay may kaugnayan sa pamamaslang kay Demson Silongan, dating konsehal ng Datu Salibo, na tinambangan noong Abril 2023 habang patungo sa sesyon ng Sangguniang Bayan.
Pagkalipas ng ilang buwan, noong Agosto ng parehong taon, napatay naman ang kapatid ni Demson na si Datu Manot Silongan, barangay chairman ng Pendetin, sa isang insidente ng pambobomba sa bayan ng Shariff Saydona.