Inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police ang kasalukuyang alkalde ng South Upi, Maguindanao del Sur at ang kanyang asawa kaugnay ng pagpatay sa bise alkalde ng bayan noong 2024.
Dinakip ang mag-asawa, na kinilala bilang sina “Rey” at “Janet”, sa Barangay Making, Parang, Maguindanao del Norte sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder, frustrated murder, at attempted murder na inilabas ng Regional Trial Court sa Cotabato City.
Ayon sa PNP-CIDG, matapos ang masusing imbestigasyon, noong Nobyembre 2024 ay nagsampa ng reklamo ang Special Investigation Task Group (SITG) laban sa labindalawang akusado, kabilang ang alkalde at ang kanyang asawa, bilang umano’y mga “utak” ng pananambang.
Napatay sa insidente ang bise alkalde ng South Upi na si Ronald Benito at isa niyang security aide noong Agosto 2024 sa Sitio Linao, Barangay Pandan.
Sakay ng pick-up truck si Benito, ang kanyang pamilya, at mga bodyguard nang sila’y paulanan ng bala.
Nasugatan sa pananambang ang kanyang misis na isang barangay chairperson, kanilang anak, at isa pang escort.
Sa kasalukuyan ay patuloy parin ang isinasagawang malalimang imbestigasyon habang nakadetine na ang mag-asawang suspek.