TUGUEGARAO CITY-Magsasagawa ng pagmartsa ang Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan kasama ang Local Government Unit (LGUs) at iba’t-ibang organisasyon ngayong araw,oktubre 9,2019.
Ito ay pagpapakita nang pagtutol sa ginawa ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) na pag-release ng interim permit para muling makapag-operate ang mining company na OceanaGold Philippines Incorporated sa Brgy Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.
Ayon kay Terisita Acosta, Board Member ng Alyansa ng Novo Vizcayano para sa Kalikasan, ang inilabas na interim permit ng MGB ay walang legal na basehan dahil tanging ang gobyerno sa pamamagitang ng Pangulo at ang mining company lamang ang maaring magkaroon ng ugnayan para sa Financial or Technical Assistance Agreement(FTAA).
Paliwanag ni Acosta, ang interim permit ay nagbibigay ng permiso na muling makapag-operate ang naturang mining company habang hinihintay ang permit o FTAA na pirmado ng pangulo.
Matatandaan na nitong Hunyo 20, 2019, nagpaso ang permit ng nasabing mining company.
Samantala, sinabi ni Acosta na magma-martsa ang kanilang grupo mula sa ST. Dominic Cathedral hanggang sa kapitolyo ng Nueva Vizcaya kung saan nakatakdang magsasalita ang gobernador ng nasabing probinsiya maging ang mga iba’t-ibang lider ng mga organisasyon .
Inaasahan na dadaluhan ng nasa 500 hanggang 600 katao ang naturang aktibidad.
Kaugnay nito,umaasa si Acosta na papakinggan ng Pangulo ang kanilang hinaing para matigil na ang pag-ooperate ng kumpanya at para hindi na muling lalawak ang mga maapektuhang mamamayan dahil sa ginagawang pagmimina sa lugar.