Tinukoy ni Julie “Dondon” Patidongan, isa sa mga akusado sa kaso ng missing sabungeros si businessman Charlie “Atong” Ang na mastermind sa pagdukot sa mga nassabing sabungero.

Isinangkot din ni Patidongan si actress Gretchen Barretto sa nasabing insidente.

Matatandaan na una nang sinabi ni Patidongan na pinatay na ang mga nasabing sabungero at itinapon sila sa Taal Lake.

Siya ay dating chief ng security ng farms at cockfight arena ni Ang.

Sinabi ni Patidongan na sina Ang, Eric Dela Rosa, at Engineer Celso Salazar ang mastermind sa mga nawawalang sabungero.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, si Dela Rosa ang nagmomonitor sa mga daya sa sabong at isinusumbong ang mga ito kay Ang, at pinag-uusapan nila ito kasama si Salazar.

Sinabi niya na itatawag naman ito sa kanya at iniuutos sa kanya na pigilin ang mga “nagti-tiyope.”

Ayon pa sa kanya, si Ang ang pina-mastermind dahil siya ang nag-uutos na iligpit ang mga nandadaya sa sabong.

Iginiit ni Patidongan na inutusan ang ilang pulis na trabahuin ang mga sabungero na umano’y nandadaya.

Sinabi niya na alam lahat ni Barretto ang mga nasabing pangyayari dahil sa lagi silang magkasama ni Ang, kasabay ng kanyang panawagan sa aktres na makipagtulungan sa kanya upang malaman ang katotohanan.

Isa si Patidongan sa anim na akusado sa pagdukot sa mga nasabing sabungero na naiulat na nawawala mula 2021 hanggang 2022.

Sinabi niya na kaya ngayon lang siya lumutang dahil naniniwala siya na hindi kayang suhulan ni Ang si Philippine National Police chief General Nicolas Torre III. 

Idinagdag pa niya na wala siyang kinalaman sa pagdukot, sa halip ay utusan lamang umano siya bilang farm manager.

Samantala, sinabi ng kampo ni Ang na magsasampa sila ng kaso laban kay Patidongan sa Office of the Prosecutor sa Mandaluyong ngayong araw.

Subalit, sinabi ni Patidongan na hindi siya nababahala, at pinabulaanan na tumanggap siya ng pera mula kay Ang para bawiin ang kanyang mga isiniwalat.

Ayon sa kanya, binigyan umano siya ng papel para pirmahan, at alam niyang ito ay para bigyang siya ng pera kapalit ng pagbawi siya sa kanyang mga pahayag.

Kasabay nito, nanawagan siya kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na agad na resolbahin ang kaso ng missing sabungeros para sa kanilang mga pamilya.