Inihayag ni whistleblower Julie “Dondon” Patidongan alias Totoy na maghahain siya ng complaint affidavit laban sa mga pulis na sinabi niyang sangkot sa kaso ng missing sabungeros.
Ayon kay Patidonga, pupunta siya sa National Police Commission (Napolcom) sa Lunes para maghain ng kanyang affidavit laban sa mga nasabing pulis.
Tugon ito ni Patidongan sa panawagan sa kanya ni NAPOLCOM vice chairperson Atty. Rafael Calinisan na maghain ng complaint affidavit sa tanggapan laban sa mga nasabing pulis upang mabilis nila itong matugunan.
Una rito, sinabi ng Napolcom na may listahan na sila ng mga pulis na sangkot sa mga nawawalang sabungero.
Iniimbestigahan na ng police commission ang mga pulis na isinasangkot sa nasabing kaso para sa administrative aspect ng kaso.
Kabuuang 15 pulis ang isinailalim sa restrictive custody sa Camp Crame, Quezon City dahil sa pagkakasangkot umano nila sa pagdukot ng mga sabungero batay sa naging expose ni Patidongan.
Ilan sa mga nasabing pulis na kasama sa listahan ay ang mga tumanggap umano ng hanggang P2 million na buwanang payola mula kay businessman Atong Ang.
Sinabi ni Patidongan na si Ang ang mastermind sa kaso ng missing sabungeros
Kabuuang 134 na mga sabungero ang naiulat na nawawala mula 2021 hanggang 2022.
Ayon sa pulisya, ang mga nasabing missing ay dinukot dahil sa umano’y match fixing o pandaraya sa sabong.