Kulong ang isang ama matapos halayin umano ang sariling anak na menor de edad sa Barangay Osmeña sa Ilagan City, Isabela.

Ayon kay PCol. Lee Allen Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office o IPPO, ang akusado ay number 8 most wanted person sa Region 2 dahil sa patong-patong na kasong qualified rape at qualified sexual assault.

Sinabi ni Bauding na ang pagkakaaresto sa akusado ay dahil sa pinaigting na kampanya laban sa mga wanted persons sa Isabela.

Batay sa ulat ng Women and Children Protection Desk (WCPD) ng Ilagan Component City Police Station (ICCPS), lumapit ang biktima, kasama ang kanyang tiyahin, noong Mayo 2023 upang isiwalat ang sinapit nito sa kanyang sariling ama.

Nagsimula umanong molestiyahin ng ama ang anak nito noong siyam na taong gulang pa lamang, kung saan maraming beses umano na hinalay ang biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi agad nakapagsumbong ang bata dahil sa matinding pananakot ng ama.

Binalaan umano siya na huwag magsasabi sa kanyang ina na isang OFW kundi siya ay masasaktan at hindi na makakalabas ng bahay.

Naaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 17 sa Ilagan City.

Siya ay nahaharap sa limang kasong kriminal at walang piyansang inirekomenda para sa kanyang pansamantalang kalayaan