TUGUEGARAO CITY-Hindi na umabot pang buhay ang isang Padre De Pamilya na maghahatid lamang sana ng pagkain sa anak na naka-confine sa Ospital matapos mabangga ang sinakyang motorsiklo sa bayan ng Sta Teresita,Cagayan, kahapon.

Ayon kay Police Master Sergeant Kervie Lorenzo ng Pnp- Sta Teresita , nawalan ng kontrol sa manebela ang suspek na si Carlito Desalla Jr., 35-anyos at residente ng Barangay Isca, Gonzaga sa minamanehong ten wheeler truck sa palikong bahagi ng daan sa Brgy Villa, Sta Teresita matapos mag-overtake sa sinusundang sasakyan.

Dahil dito,napunta sa kabilang linya ng daan ang truck na dahilan ng pagkabangga sa biktima na si Michael Salamangca,37-anyos, residente ng Barangay Alucao lulan ng kanyang motorsiklo.

Sinubukan pang dalhin sa pagamutan ang biktima ng mga rumespondeng kapulisan ngunit dahil sa malubhang tinamong sugat sa katawan ay idineklarang dead-on-arrival ng umasikasong duktor.

Matapos ang banggaan, napunta ang suspek sa isang farm sa lugar kung saan kanya ring nabangga ang nakaparadang Multi-Cab.

-- ADVERTISEMENT --

Maswerte namang walang sakay ang multi cab.

Nabatid na papuntang ospital ang biktima para bigyan ng baon na pagkain ang kanyang anak na kasalukuyang naka-confine sa Gonzaga habang susundiin naman sana ng suspek ang kanyang mga tauhan.

Ang suspek ay may negosyong buy and sell ng palay sa bayan ng Gonzaga.

Sa ngayon, hawak na ng PNP-Sta Teresita ang suspek at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide and Damage to Property.